Salamat sa unang henerasyon

Hindi makakaila na malaki ang utang naten sa mga naunang henerasyon, (eto ay ayon lang naman sa aking pananaw). Dahil nandoon lahat ng hinahanap mo, mula sa pagiging tunay na matapang, tunay na lalake o babae,  hanggang sa pagiging tunay na henyo. Bakit nga ba tunay na maituturing? Bakit ba hindi na lang matapang o henyo? Wala ba ngayon nito sa mga henerasyon naten?

 

Eto ang mga paliwanag ko kung bakit ko sila tinawag na tunay:

 

  1. Hindi dahil tinawag kong matapang ay bayolente na agad ang kahulugan nito, tinawag kong matapang dahil wala silang takot tumuklas ng mga bagay-bagay na hindi pa natutuklas  noong mga panahong iyon (hindi lahat ng matapang ay kaakibat ng pagiging bayolente). Hindi sila gaanong takot kung ano man ang kahihinatnan ng ginagawa dahil konti palang ang impormasyon, datos, at kaalaman nila sa mga panahong iyon. Maraming misteryo o palaisipan sa kanila na hindi pa naipapaliwanag.
  2. Tunay na lalake o babae. Naniniwala din ako na ang tunay na lalake ay walang abs. Wala silang panahon magpunta sa gym at magpatubo ng pandesal sa kanilang tiyan dahil abala sila sa pag-aaral at pagtuklas sa mga bagay-bagay. Isa pa, hindi lahat ng nasa gym ay tunay na lalake. Pagdating naman sa pagiging tunay na babae, malay ko. Ang alam ko, ang tinaguriang sex goddess noon na kinahuhumalingan ng mga lalake ay hindi takot mag pose kahit kita pa ang kanyang mga baby fats. Di tulad ngayon, dahil na rin sa siyensya, hindi mo na alam kung alin ang natural, at alin ang hindi.
  3. Tunay na henyo. Halos lahat ng henyo ay nasa mga naunang henerasyon, dahil sila lang ang nakatuklas o nakaimbento ng mga kasangkapan o bagay na nang-uuto saten ngayon. Kundi dahil sa kanila, wala sana tayong gadgets na tinatawag. Ang tanging ginagawa lang naten ngayon ay pagandahin ang kung ano man ang nasimulan nila. (modification, innovation, upgrades, etc.). Wala gaanong orihinal na imbensyon.

Masasabi kong maswerte kaming mga kabataan na nanggaling sa dekada sisenta hanggang nobenta(dun ako sa dekada nobenta kabilang :P). Dahil nasaksihan namin ang pagbabago ng mundo, alam namin ang hirap at saya noon na di tulad ngayon. Unti-unti ng nagiging tamad ang mga tao dala na rin ng kagandahan ng gamit ng kanilang kasangkapan. Mataas ang paghanga ko sa mga nabubuhay noon, na sana ay nasaksihan ko din. Naniniwala akong mas matalino ang mga nabuhay noong unang henerasyon, malaki ang utang naten sa kanila kaya hanggang ngayon ay kinikilala pa din naten sila, di lang sa kabayanihan kundi na rin dahil sa kanilang angking husay at kaalaman. Nagsisilbi din silang inspirasyon ngayon sa atin. Hindi din naman nawawala ang pag-asa naten na may isang isisilang dito sa mundo na makakagawa din ng isang bagay na kailangan ng lahat. Kaya saludo ako sa inyo, isa kayong alamat.

Advertisements

Larawan

Mataas na ang sikat ng araw ng lumabas sya sa kanilang bahay para tumambay at magpahangin. Sa kanyang pagtambay sa harap ng kanyang bahay, napansin nya na may matandang lalake na mukang pamilyar maayos ang pananamit pero hindi nya kilala na naglalakad at nagtungo diretso sa loob ng kanilang bahay. Sinundan nya ito ng tingin at agad nya din sinundan sa loob kanilang bahay. Wala siyang naalalang bisita o binilin sa kanya ng kanyang nanay na may dadating na bisita. Siya lang ang nag iisang tao sa bahay nila ngayon at agad niyang tinanong kung sino ang matandang lalake na pamilyar pero hindi nya kilala. Ngumiti lang ang matandang lalake sa kanya. Dumeretso sa lamesa ang lalake at dumampot ng pandesal at kinain nya ito. Pinalabas nya ang matanda. Niyakap sya ng matanda ng mahigpit at lumabas ng kanilang bahay, sinundan niya ito sa labas at inihatid ng tingin habang papalayo ang matanda.

Dumating ang kanyang nanay at sinabe nya ang nangyare kanina. Ang sabe ng nanay nya, wag na lang daw pansinin at mabuti ay walang ginawang masama sa loob ng kanilang bahay, sasusunod ay maging alerto at huwag magpapasok ng kung sino-sino na hindi kilala sa loob ng kanilang bahay. Napaupo sya sa sala at binuksan ang T.V. habang ang kanyang ina naman ay dumertso sa kwarto nila sa itaas ng kanilang bahay. Meron syang pinapanood pero hindi nya maintindihan ang kanyang pinapanood dahil sa pag iisip kung sino ba talaga ang matandang pamilyar ang itsura pero hindi nya kilala. Tinawag siya ng kanyang ina upang magpatulong na abutin ang isang gamit sa taas ng kanilang aparador. Dali siyang umakyat at nangtungo sa kwarto kung saan naroon ang kanyang ina para tulungan ito. Akmang huhugitin nya na ang isang damit ng kanyang ina ay may larawang biglang nalaglag sa kanyang dibdib at agad nya naman itong nasalo gamit ang kanyang kaliwang kamay. Tiningnan nya ang larawan at nagulat sya ng makita nya kung sino ang nasa loob nito, ito ay yung matanda na biglang pumasok sa kanilang bahay, kumaen ng pandesal, yumakap sa kanya at kanyang pinaalis. Kaya pala parang pamilyar ang itsura nito dahil bata palang siya noon nung huli nyang makita ang larawan na ito. Tinanong nya kung sino ang nasa larawan at ang sabe ng kanyang ina ay ito ang kanyang lolo na namayapa na. Dalawang taong gulang pa lamang sya ng namaya ang kanyang lolo, ang lolo nya ang laging nag aalaga sa kanya at sobrang mahal na mahal sya nito.

Kaya pala ganon na lang ang yakap sa kanya ng matanda, kaya pala pamilyar ang itsura ng matanda. Ito pala ang lolo nya na dating nag alaga sa kanya. Nang matapos nyang tulungan ang kanyang ina, nagtungo ito sa sala ng punong puno ng pagkadismaya at kalungkutan habang nangingilid sa kanyang mga mata ang luha. Pinalagpas niya ang pagkakataong alam nya na kailan man ay hindi na muling mangyayari.

Bagong Mundo

Wala akong ideya sa pinasok kong mundong ito. Wala lang, basta natutuwa ako, dito kasi malaya ako, pwde kong ilahad lahat ng saloobin ko, walang pipigil saken, walang mangungutya, pero merong tagapag puna o tagapag kilatis sa sarili mong likha. At kahit sarili mo mismo ay pwdeng maging kritiko ng sariling mong likha.

 

Eto yung tinatawag na blog,

Nagsaliksik ako kung ano ba talaga ang kahulugan nito, ayon sa pag sunod ko sa IGMG ( I Google Mo Gagu), nakita ko sa isang website kung ano ba ang kahulugan nito, (English kasi kaya hindi ko masyadong naintindihan) kaya gumawa ako ng sarili kong kahulugan

Ano nga ba ang blog?

Lahat tayo ay may kanya kanyang depenisyon tungkol dito depende kung ano ang pagkaka-intindi mo. Pero para saken, para itong isang maliit na planeta ng mga tao na mahilig at alagad ng sining na may matatabang utak. (ano nga ba ang utak? Meron ba ko nun?). Dito walang mayayabang na parak na may bakal sa tagiliran ng bewang para manghuhuli sayo upang ipalasap sayo ang mundo kung saan ay may malamig at nakatayong magkakadikit na bakal na madalas hinihimas at nakaharap sayo kapag gumawa o nagsalita ka ng hindi maganda tungkol sa tao o bagay-bagay. Dito ka din maaring lumikha ng sarili mong mundo na naaayon sa sarili mong imahinasyon. Walang hanggan ang imahinasyon, paliparin mo lang ang malaya mong isip at makakagawa ka ng isang mundong hindi pa nasisislayan ng kahit nino man. Ang blog ay maari din ituring na kaibigan, kapamilya, kapuso, kabarkada, kabisyo at kung ano-ano pang “kaek-ekan” ang nalalaman mo para pagladahan ng tuwa, hapis, luksa o kahit ano pang nararamdaman mo (depende sa trip).

 

 Malaya ka din gumawa ng sarili mong inpormasyon at kaalaman upang ibahagi sa mga taong uhaw dito.

 

Magkaiba ang inpormasyon sa kaalaman. Ang inpormasyon ay binubuo ng mga datos na mula sa kaalaman habang ang kaalaman naman ay sariling ideya ng isang indibiduwal upang makabuo ng inpormasyon. Gayun pa man, meron kang sariling pananaw ukol dito. Bahala ka sa kung ano yung sa iyo, basta ito yung akin. Pwede mo din ibahagi saken kung ano ang ideya mo (diskarte ka ng sayo). Wala naman kasing maling ideya, sa resulta mo lang makikita kung ano ang mali.

Hindi ako mahusay magtagpi-tagpi ng mga pananalita para maipaliwanag sa mambabasa ang ibig kong sabihin, eto lang ang nakayanan nag malikot kong kukote. Nagsisimula palang din akong magbuo ng mundo ko at tulad ng karamihan, salat din ako sa kaalaman at inpormasyon. Ikaw kaibigan, maari mo bang ibahagi ang mundo mong nabuo saken?

 

 

 “kaibigan, tara usap tayo :D”

Alaala ng aking kabataan

 

ang larawang ito ay hindi ko pag mamay-ari.. nakita ko lang sa google ito kaibigan

 

Bale,  limang taon ako nung nagsimula akong magkaroon sariling kamalayan pambata (ayon sa aking naalala). Ang sarap ng buhay noon, tulog, laro, kaen and “vice versa”. Malayo sa polusyon, salat sa teknolohiya, pero buhay pa ang mga kultra. Tanging paglalaro sa kalye, maligo sa dagat o ilog at manood ng shaider, magma man, ultraman, mightor, moby dick at kung ano-ano pang ibang palabas sa telebisyon (na black and white) ang aking libangan. Kasi nga wala akong ginagawa noon kundi mageenjoy sa paglalaro at panonood ng tv nung mga panahon na yun.

 

Ilan pa ba saten ang naglalaro ng taguan? Ilan pa ba saten ang nakaka –alam ng patintero? At ilan pa ba saten ang nakaka alala ng mga larong tumbang preso, luksong baka, luksong tinik, luksong dugo (kasama pa ba yun?) at iba pang laro nung panahon na hindi pa uso ang cellphone, playstation, at iba pang mga cool na gadgets. Malamang sa malamang ay hindi mo na to nalalaro o naalala dahil nga kasi matanda ka na. Sige na, wag ka na mahiya, aminin mo sa sarili mo na matanda ka na. Oo, ikaw ang tinutukoy ko wag ka ng lumingon sa likod.

 

At sa paglipas ng panahon, unti-unti na nawawala ang mga larong nakasanayan at napaglilibangan ng mga batang paslit na noo’y naaaliw sa paghaharutan sa ilalim ng maaliwalas na panahon.

 

Sa walang sawang paglubog at paglitaw ng araw at ng  buwan, pagdaan ng mga taon, unti unti tayong nililibang ng panahon sa mga bagay-bagay na dahilan ng ating pagkalimot sa kung ano man ang meron tayong kaligayahan noon. Nakakapang hinayang isipin ang mga ala-alang nabuo naten noong mga panahong walang pakundangan ang pagtakbo naten sa lansangan ng kasiyahan. Ang sarap balik-balikan ng mga ala-alang iniwan naten sa bawat sulok ng ating palaruan. Mga tawanan, iyakan, harutan, tuksuhan, at mga aktibidad na ginagawa naten sa dalampasigan ng kamusmosan ang iyong babalik-balikan na tanging sa ala-ala na lang naten magagawa.

 

Nakakalungkot isipin na unti-unti ng pinapatay ng mga makabagong teknolohiya ang mga lumang kultura naten. Nagiging alipin na tayo ng mga umiilaw kumukutitap na kasangkapan ngayon.

 

Matuturing na lang nating alamat ang mga pangyayaring minsan ay dumaan sa ating buhay noon. Hindi na naten kayang ibabalik pa ang kahapon kaya kelangan nating magpatuloy sa panahong ating tinatahak ngayon. Tanging ala-ala na lang ang naiwang bakas na minsan tayo ay naging alamat. Isa ako sa mga mapalad na batang naging bahagi ng alamat na iyon na hinubog ng pagdaan ng panahon, sa kadahilanang hindi lahat ng bata ay naranasan ang mga mahahalagang pangyayaring humuhubog sa kabuuan ng ating kamusmusan.

 

Ngumiti ka na lang, at sariwain ang mga kalokohan ginagawa mo kasama ng mga kaibigan mo sa iyong ala-ala.

 

 

Ikaw kaibigan, ano ang storya ng iyong kabataan?

Panaginip na pinagmulan

Isang panaginip na pinagmulan

Kaligayahan ang nasilayan

Problemang nagdaraan

Agad lang nalalagpasan

 

Isang panaginip na pinagmulan

Hinagpis ang natuklasan

Masalimuot na nakaraan

Hindi pala kayang takasan

 

Isang panaginip na pinagmulan

Mga taong nagdaraan

Nagbibigay ng kasiyahan

Iyong dapat paka-ingatan

 

Isang panaginip na pinagmulan

Tangapin ang kamalian

Magpatawad at pagbigyan

Isang taong makasalanan

 

Isang panaginip na pinagmulan

Ikaw ang aking nasilayan

Hinaharap na natagpuan

Sana’y aking makamtan

Sa feeling ni Crush

Isang hindi maipaliwanag na pakiramdam ang pumupukaw sa aking damdamin ngayon. Kakaibang saya ang nadarama, animoy isang adik na high na high sa paghit-hit ng droga. At kahit anong iwas ang gawin mo, basta’t nandyan sa sya ay wala kang kawala sa sakit na kung tawagin ay kilig. Isa syang inspirasyon na araw-araw kang pinapasaya sa twing kayo ay magkasama. Pakiramdam ko ay napapasailalim ako sa isang mahika na mahirap alisin. Parang isang anghel na nagkatawang tao, o isang diksyonaryong nagbibigay kahulugan sa buhay. Yan ang tingin ko kay Crush.

 

Sino nga ba si crush?

Si Crush ay ang taong hinahangaan ko, (syempre babae to). Kakaiba syang babae dahil hindi lahat ng babae ay kagaya nya, in short rare siya kung maituturing. Hindi din ako naniniwala sa love at first sight dahil pwedeng infatuation lang ang naramdaman mo at maaring lumipas yan pagdating ng panahon. (Sa second sight pwede pa).

 

 

Ano nga ba ang crush?

Hindi ko din alam, magugulat ka na lang pag tinamaan ka nyan. Maari natin itong ihambing sa prutas ng isang puno, isang hilaw na pag-ibig na maaring maging hinog kung susubukan mo lang maghintay. Hindi masamang maghintay kung alam mo masarap naman ito pag nahinog. At hindi din ito mahihinog kung hindi mo aalagaan, maaring magkaroon ng uod, tuluyang mabubulok, babagsak sa lupa at mababalewala ang pinaghirapan mo kung papabayaan mo ito. Ngunit wag matakot kung mawalan ka ng isa. Tandaan mong maari pang mamunga ang isang puno pagdating ng tamang panahon

 Pero sa isang banda, tingin ko eto yung pagbasak ng isang sasakyan panghimpapawid mula sa kawalan patungong lupa. Kung gusto mo malaman, mag search ka.. sabe nga ng idolo kong si Sir Lourd De Veyra, “IGMG” (IGoogle Mo Gagu)

 

 

 

Ano ba talagang meron sya na wala sa iba?

Dahil masaya ako sa kapag kasama ko sya, parang wala lang nung una ko syang makilala. Habang nakikilala ko sya at patuloy ang kwentuhan namin tungkol sa mga bagay-bagay at unti unti akong napapahanga sa kanya. Kagaya nga ng sinabe ko sa itaas, “rare sya kung maituturing”. Napakasimpleng tao, walang arte sa mga bagay-bagay, magaan kasama at pakiramdam ko napakatagal na naming magkakilala. Hindi lahat ng tao ay ganyan, bibihira kang makakita ng isang taong katulad nya. Kung nakakita ka nito, tara pakilala mo sa akin kapatid.

 

Bakit ba sa pagkadami-dami ng tao sa mundo, sya pa ang crush mo?

Walang masama kung magkakaroon ka ng paghanga sa kanya. Isa sya sa mga kelangan mo sa mundo. Hindi buo ang Maslow’s hierarchy of needs mo kung wala sya. Malaki ang kontribyusyon nya dito sa iyong pang araw-araw na pamumuhay. Syempre kelangan mo ng inspirasyon, at kelangan mong sumaya. Kung baga, siya ang pintura ng buhay mo na nagbibigay kulay sa buhay sayo. Mag-ingat sa pag pili ng crush, at pasasabihan kung sino ang crush mo. Dahil pwedeng gamitin ng crush mo ang advantage na yan para utuin ka. At pwede din na iwasan ka nya kapag nalaman nya na crush mo sya. Pero ang pinaka masarap sa lahat ay yung kahit alam nya ng crush mo sya ay parang walang nagbago. Kung ano kayo dati, ay ganun pa din kayo ngayon.

,

,

,

,

,

Dahil ikaw ang crush ko, alam mo na siguro kung ano ang pakiramdam ko. Oo ikaw na nagbabasa nito

 

“isa sa pinakamangandang lugar sa buong mundo, ay ang sa tabi ng crush mo.”

nabasa ko lang yan. At naisip ko din na oo nga naman, parang nasa 7 wonders of the world ka pag nasa tabi ka ng crush mo. Subok na yan, maniwala ka saken

 

Ang mundo ang napupuno ng katanungan ngunit bumabaha ng inpormasyon, pero bakit sa pagbaha ng inpormasyon dito sa mundong ibabaw, bakit nanatili pa din akong uhaw? Teka ano nga bang koneksyon nito sa topic ko? Wala lang, may maisulat lang.

Dayuhan

Image

 

 

Isang araw na lang bago ang aking paglipad palabas ng bansa at tuluyang maging isang dayuhan sa kanilang kalupaan. Kung ano-ano ang pumapasok sa aking kaisipan. Ano kaya ang klase buhay meron dun? Maganda kaya sa pupuntahan ko? Anong bagong gadgets ang bibilhin ko pagkakuha ko ng aking salaping pinagputahan? Ilan ba ang natutuwa at naiingit saken pag ako’y nandun na? Magaganda kaya ang mga chiks dun? Yan ang ilan sa mga tanong ko sa aking sarili bago ako lumipad at maging dayuhan.

Biglako lang naisip na ang eroplano pala ay parang isang time machine, kaya ka nitong dalhin sa kakaibang mundo na may mga nilalang na alam mong hindi mo kalahi. At sa ilang oras ng iyong paglalakbay patungo sa iyong destinasyon ay mapupunta ka sa mundong makasalanan. Sa pag tapak ko sa lupang hindi ko pa nararating sa buong buhay ko, halo-halong emosyon ang pumapasok sa akin. Magkahalong lungkot at saya ang aking nadarama, dahil alam ko sa sarili ko na panibagong hamon ang kakaharapin ko at medyo matatagalan ako bago makauwe pabalik sa aking bayan. Ngunit gayon pa man, kelangan kong harapin ang pagsubok na to alang alang sa ikatatapos ng aking pag aaral.

 

Nagsimula akong magtrabaho sa isang restaurant.  Isang malaking culture shock ang aking naranasan, napakalaki ng pinagkaiba ng mundong ito sa pilipinas. Mula sa supervisor mong animo’y mga demonyo, mga lenguahe na hindi mo maintindihan, hanggang sa sistema nila. Isang buwan din akong nag adjust sa mga yan. Oo isang buwan dahil nga mahirap talaga. Sa paglipas ng panahon pakiramdam ko, araw-araw akong pinaparusahan sa impyerno at tila walang humpay akong pinapahirapan ng alagad ng karimlan sa twing papasok ako,. Dumadating na sa punto na gusto ko ng umuwi ng Pilipinas dahil sa hirap.

Isang araw, tumulo ang aking pawis kasabay ng pagpatak ng aking luha, humarap ako sa salamin at nakakita ako ng isang taong may mga mapupula at magang mata. Kinausap nya ko, sinabe nya saken na hindi lang ikaw ang nakakaranas nyan kaya huwag kang mag inarte na parang ikaw lang ang pinakakawawang tao sa mundo. Hindi lang din ikaw ang nagpapakahirap na maging dayuhan sa ibang bansa para lang sa sariling pamilya. Doon ako natauhan at sinabe ko na, oo nga, kung yung iba nga ay nakaya nila, bakit ako hinde. Sinabe nya din saken na, kung wala lang sanang buwaya sa ating bansa, wala sanang pilipinong magpapakahirap at magsakripisyo sa ibat ibang panig ng mundo. Mga bobong politico na walang ginawa kundi maligo at magpakalunod sa kaban ng bansa.

 

Lumipas ang mga buwan, at dumating na ang araw na pinakahihintay ko. Ang araw ng aking pag-uwe, ang araw ng paglaya ko mula sa mala impyernong lugar na yon. Sa mga panahong iyon, bago ako sumakay ng time machine pabalik sa aking panahon. Nagpaalam at nagpasalamat ako sa mga taong nakilala ko at mga sari-saring istorya na naririnig ko mula sa kababayan nating pinoy. Maswerte ako dahil isa ako sa mga taong naka-aalam at nakarining ng mga kwento nila at kung anong klaseng buhay meron ang isang dayuhan. Napag isip-isip ko na napakahirap pala maging OFW, akala naten na masarap  at masaya dahil nga nasa ibang bansa sila, at marami silang pera. Ngunit ang katotohanan, nagtitiis sila sa lungkot at pangungulila para lamang kumita ng malaking halaga. Kaya saludo ako sa lahat ng pinoy na naging dayuhan at nagpapakahirap sa ibang bansa para maiahon sa kahirapan ang kanilang pamilya. Maituturing naten silang bayani ng ating bawat pamilya.